may ilang buwan na rin ang humakbang sa akin mula nang huling malathala ang huli kong artikulo.
‘di ko na matantiya kung ilang beses na rin akong nilundagan ng mga araw mula nang huli akong sumulat.
hindi ng isang press release – na siyang sukatan ngayon ng bilis at galing sa pagbebenta ng istorya sa mga patnugot na naghihintay ng pampuno sa puting espasyo ng kani-kanilang peryodiko.
hindi ng isang advertorial na lantaran kung magbigay-pugay sa isang pangyayari, bagay, tao o programa.
hindi ng isang feed na ang layunin ay salagin ang mga batikos o pamumuna na madalas na gawing sangkalan ang gasgas nang linya na responsableng pamamahayag.
ilang buwan na nga ba ang lumipas?
‘di maitatatwa.
patuloy na nananalaytay sa mga ugat ko ang dugo ng isang manunulat. patuloy ang pagpintig ng mga tinig ng salita. ang pagsibol ng mga talata at ang pagsirit ng mga ito sa aking ulirat.
sa gabi, bagama’t pata na ang katawan sa buong araw na pagtatrabaho, damang-dama ko ang pagpupumiglas ng mga salita.
hindi mapirmis. hindi mapatahan.
walang biling sa banig ang makapagpatahimik sa naghuhumilagpos na sinulid ng mga taludtod ng kaisipan.
ang pagiging manunulat.
ang papel. ang pluma. ang tinta.
ngayon naman, ang keyboard at ang pagblo-blogging.
sa mga nakaw na sandali tulad nito ko lamang nabibigyang laya ang mga daliri ko. haplusin ang kwadradong tableta na nasa harapan ko at ibuhos sa piping screen ang nasasaloob ko….
napakarami.
‘di mabilang. ‘di maapuhap kung saan ko uumpisahan at kung paano puputulin pansamantala ang pagbubulaybulay ng mga saloobin.
himayin. salansanin.
ang bawat kataga na animo’y isang ‘di matapos-tapos na ambon na dumadampi sa aking isipan.
ambon….na dati’y bugsong ulan na animo’y walang alam na hangganan.
kinakailangan ko na munang huminto.
ipahinga ang pagod na diwa. ang hapong isipan.
bukas, babalikan kita.
hintay ka lang ada…